Mariing pinabulaanan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang alegasyong kasama sa drug watch list si Pangulong Ferdinand R Marcos Jr.
Tugon ito ng PDEA sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na noong alkalde pa ito ng Davao ay nakita nitong kasama si PBBM sa drug list.
Paliwanag ng PDEA, mula nang ma-activate ito noong 2002, ay hindi kailanman napabilang si Pangulong Marcos sa kanilang National Drug Information System (NDIS), na nagsisilbi nitong database ng mga drug personalities.
Tinukoy rin ng PDEA ang drug list ni dating Pangulong Duterte noong maluklok ito ng 2016 o mas kilala bilang narcolist.
Sumalang din aniya ito sa validation at re-validation ng PDEA, at naging Inter-Agency Drug Information Database (IDID). Maging sa listahang ito, wala rin aniya ang pangalan ni Pangulong Marcos.
“Based on all the foregoing facts, the PDEA asserts that President Marcos Jr. is not and was never in its watch list.” | ulat ni Merry Ann Bastasa