Tiniyak ni LTO Chief Vigor Mendoza II na magtutuloy tuloy lang ang operasyon sa Plate Making Plant ng LTO Central Office sa Quezon City.
Ito ay kahit pa naaresto kahapon ang tatlong empleyado ng ahensya na naaktuhang nagpupuslit ng plaka mula sa ahensya.
Ayon kay LTO Chief Mendoza, hindi maapektuhan ng imbestigasyon dito ang produksyon ng plaka.
Sa ngayon, dinoble na aniya ng ahensya ang security measures nito sa planta kabilang ang cctv footages at mga nakabantay na security personnel.
Bukod dito, maging ang protocol sa paglabas masok sa planta at sa imbakan ng mga gawa nang plaka ay hinigpitan na rin.
Sa ngayon, wala na aniyang backlog sa plaka pagdating sa motor vehicle habang nasa 10.4 milyon naman ang binubuno ng ahensya na backlog pagdating sa plaka ng mga motorsiklo.
Una nang siniguro ni Asec. Mendoza na magpapatuloy ang kanilang malalimang imbestigasyon sa nabistong nakaw plaka modus sa loob mismo ng planta ng ahensya upang matukoy ang lawak ng operasyon ng sindikato at kung may mga kasabwat pa ito sa loob ng tanggapan. | Merry Ann Bastasa