Kasabay ng traslacion ng itim na Nazareno sa Quiapo sa martes,Enero 9,magsasagawa din ng prusisyon sa bayan ng San Mateo, Rizal mula alas-7:00 hanggang alas-10:00 ng gabi.
Ito’y bilang pakikiisa sa selebrasyon ng kapistahan ng Poong Nazareno sa nasabing bayan.
Sa abiso ng pamahalaang bayan ng San Mateo, ipatutupad ang “Stop and Go Traffic Scheme” sa kahabaan ng General Luna Avenue upang magbigay daan sa aktibidad.
Magsisimula ang prusisyon sa Diocesan Shrine and Parish of Nuestra Señora de Aranzazu (DSPNSDA) at babagtasin nito ang kahabaan ng Barangay Sta Ana, Barangay Guitnang Bayan 1 at 2, Barangay Dulong Bayan 1 at pabalik ng DSPNSDA.
Dahil dito, inaabisuhan ang mga motorista patungong Montalban na dumaan sa Paraiso (Miguel Cristi St), kumaliwa sa Daang Bakal,diretso sa Patiis Road pabalik sa General Luna avenue at patungo na sa destinasyon.
Asahan na umano ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa mga apektadong ruta. | ulat ni Rey Ferrer