Naglabas ng “safety tips” ang Philippine Red Cross (PRC) para sa mga debotong lalahok sa Traslacion ng Itim na Nazareno, bukas.
Paalala ng PRC sa publiko, maging alerto at gawing prayoridad ang kanilang kaligtasan.
Ayon sa Red Cross, mainam na magsuot ng face mask, dumistansya sa makapal na bilang ng tao, at mag-sanitize gamit ang alcohol.
Makabubuti ring magsuot ng kumportableng damit at magdala ng personal na medicine kit.
Kasunod nito, pinaiiwas din ng PRC ang mga deboto sa pagdadala ng ilang mga mahahalagang gamit na pwedeng mawala sa kasagsagan ng Traslacion.
Sakali namang mayroong emergency, pinayuhan ng PRC ang publiko na makipag-ugnayan sa pinakamalapit nilang First Aid station upang agad mabigyan ng agarang atensyong medikal. | ulat ni Jaymark Dagala