Nagpadala ng water tanker ang Philippine Red Cross (PRC) sa Brgy. Mandalagan sa Bacolod City na apektado ng malawakang water interruption sa lugar.
Dahil dito, nakapagsilbi ang Red Cross sa may 600 kabahayan na apektado ng kawalang suplay ng tubig na nagsimula pa noong January 4.
Aabot sa 22,000 litro ng tubig ang unang naisilbi sa may 300 indibiduwal sa nabanggit na barangay.
Ayon naman kay PRC Chairperson Richard Gordon, nakapagpakalat din sila ng 11 water, sanitation, at hygiene personnel para umalalay sa mga apektadong residente.
Batid aniya nila ang hirap na mawalan ng suplay ng tubig lalo’t posible itong magdulot ng iba pang suliranin partikular na sa kalusugan at sa mga kabataan sa komunidad. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: Philippine Red Cross