Nakatutok ngayon ang Department of Agriculture Regional Field Office 02 sa pamamagitan ng Regional Crop Protection Center (RCPC)sa mga sakahan ng sibuyas sa rehiyon matapos ang napaulat na paglaganap ng onion armyworm sa ilang lugar sa Kapaya, Nueva Vizcaya.
Kamakalawa, nang personal bisitahin ng mga kawani ng RCPC ang ilang sakahan sa Pinayag, Kayapa, Nueva Vizcaya matapos ang report hinggil sa pagkakaroon ng naturang peste sa mga pananim doon at agad nagbigay ng tulong teknikal hinggil sa pest management upang maagapan at hindi na ito kumalat pa.
Ayon Kay RCPC head, Mindaflor Aquino, sadyang napakalambot ng sibuyas kaya madali itong atakihin ng mga peste kaya kinakailangan ang puspusang monitoring dito at nang hindi dapuan ng mga sakit, insekto at uod tulad ng army worm.
Ayon Kay Aquino, wala sa lokalidad ang onion armyworm o isa itong itong itinuturing na transboundary na peste na nailipad o nadala lamang sa rehiyon.
Malaki ang pasasalamat ng Municipal Agriculturist Rufin Fernandez ng Kapayapa sa agad na aksyon ng RCPC lalo at nasa 160 hectares ang target tamnam sa kanilang lugar ngayong planting season.
Malaking bagay aniya ang teknolohiyang ituturo ng RCPC sa mga magsasaka para sa management ng armyworm.
Noong nakaraang taon nang unang napaulat ang pagkakaroon ng army worm sa sibuyas sa rehiyon at hindi ito lumaganap dahil sa maagap na pag- report.
Ito ngayon ang hinihingi ng RCPC sa mga magsasaka ng sibuyas ang palagiang bisitahin ang kanilang pananim at i- report agad sakaling may nakitang infestation ng uod at nang makagawa agad ng hakbang upang hindi na kumalat pa.
Tulad ng Fall army worm sa mais, may rekomendadong pestisidyo ang RCPC para malabanan ang naturang uod, available ito sa lahat ng research center ng DA sa rehiyon. | ulat ni Dina Villacampa | RP1 Tuguegarao
Photos: DA RFO2