Nais ng isang mambabatas na magkaroon ng malinaw na regulasyon sa paggamit ng artificial intelligence (AI) at automation systems sa labor industry.
Sa inihaing House Bill 9448 o Protection of Labor Against Artificial Intelligence Automation Act ni Quezon City Representative Juan Carlos Atayde, pagbabawalan ang mga employer o recruitment entity na gumamit ng AI o automated system bilang basehan sa pagkuha o pagsibak sa kanilang mga empleyado.
Ipagbabawal din ang pagtatanggal, pagbabawas ng sahod o benepisyo, at pag-alis sa trabaho ng mga manggagawa para palitan ng AI o automated system maliban na lamang kung sila ay bibigyan ng bagong trabaho.
Pahihintulutan pa rin naman ang paggamit ng AI o automated technology ng isang kumpanya para sa operasyon nito kung mapatutunayan na valid ang pagpapatupad nito ng retrenchment at aprubado ito ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Punto ni Atayde sa paghahain ng panukala na mahalagang maproteksyunan ang mga manggagawa na maaaring maapektuhan sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa labor sector.
“This measure seeks to promote labor augmentation as employers may deem useful and/or beneficial in the workplace as an administrative tool or an integrated or complementary part to process workflows provided that AU governance policies are in place for compliance,” saad ni Atayde sa panukala.
Ipinapanukalang patawan ng parusang pagkakakulong na anim na buwan hanggang anim na taon ang lalabag.
Sasailalim naman ito sa deportation proceeding kung ito ay dayuhan.
Kung ang lumabag ay isang korporasyon, partnership, asosasyon o iba pang juridical entity, ang direktor o opisyal ang papatawan ng parusa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes