Pormal na naghain ng resolusyon si House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte First District Representative Sandro Marcos para paimbestigahan ang nangyaring malawakang power outage sa Western Visayas noong Enero 2.
Sa kaniyang House Resolution 1534, sinabi ni Marcos na bahagi ng imbestigasyon sa naturang insidente ay ang pagrepaso sa prangkisa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa paraang ito ay matitiyak aniya ang napapanahong pagpapalawig sa transmission system upang mapaunlad at makasabay sa pangangailangan ng publiko.
Tinukoy pa nito, na maaaring ilipat na lang ang systems operation function ng NGCP sa ibang ahensya upang maituon nito ang pansin sa pagtapos ng mga transmission grid.
Kasama rin sa pinare-review ang pagbibigay ng special tax sa NGCP bilang isang power concessionaire kapalit ng local at national taxes.
“In pursuit of the common good and in line with its constitutional mandate to conduct investigations in aid of legislation, it behooves Congress to put in place energy security to ensure our country’s development,” diin ni Marcos.
Isa rin sa isinusulong ni Marcos sa kaniyang resolusyon ay ang pagpapahintulot sa Energy Regulatory Commission na magpataw ng administrative penalty sa transmission concessionaire ng P2 million kada araw ng paglabag o hindi pagtalima sa regulatory rules.
“If monetized, violations committed should at least be “one percent of the cost of the delayed project based on the ERC-approved project cost, whichever is higher.” sabi ni Marcos
Sa isang video statement, inatasan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang NGCP na kumpletuhin ang mga proyekto ngayong Enero at sumunod sa statutory at regulatory obligations.
Ang malawakang black out sa Panay Island ay nagdulot ng kanselasyon ng face to face classes, pagsasara ng mga negosyo, banta sa criticla medical equipment ng mga ospital at epekto sa turismo. | ulat ni Kathleen Forbes