Ikinatuwa ng National Security Council o NSC ang lumabas na survey ng Pulse Asia kung saan 79% ng mga Pilipino ang sumusporta sa pagpapatibay ng alyansa sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa isyu ng West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, sinabi ni National Security Adviser, Sec. Eduardo Año, nagpapasalamat sila sa sambayanang Pilipino sa suporta nito sa pagpapalakas ng alyansa hindi lamang sa Amerika kundi sa iba pang mga bansa para maresolba sa mapayapang paraan ang usapin.
Kasunod nito, ikinatuwa rin ng pamahalaan ang ibinibigay na tiwala ng publiko na igiit ang soberanya ng bansa sa bahaging iyon ng karagatan sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon ng Asya Pasipiko.
Binigyang diin pa ni Año ang pangangailangan na matugunan ang usapin sa lalong madaling panahon ang sitwasyon sa pagtatatag ng ‘strong military presence’ gayundin ang pagpapalakas sa mga kakayahan ng Armed Forces of the Philippines. | ulat ni Jaymark Dagala