Sa kabila ng sigalot sa West Philippine Sea (WPS), magpapatuloy pa rin ang Samal Island-Davao Connector (SIDC) Bridge Project na pinondohan sa pamamagitan ng loan mula sa gobyerno ng People’s Republic of China.
Ito ang inihayag ni National Economic and Development Authority 11 (NEDA-11) Regional Director Maria Lourdes Lim sa isinagawang Davao Region’s 2023 Performance and 2024 Development Outlook Press Briefing nitong Martes, Enero 30, 2024.
Ayon kay Lim na nananatiling top flagship project ng pamahalaan ang nasabing proyekto kung saan nasa 83.91 percent na ang detailed engineering design ng design and build contract nitong Nobyembre 23, 2023.
Dagdag ng opisyal na kapag makompleto na ang detailed engineering design plan ng SIDC at maaprubahan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sisimulan na nito ang konstruksyon ng tulay.
Inilahad din ni Lim na patuloy pa rin ang negosasyon para sa acquisition ng right of way sa Davao City.
Siniguro naman nito na nasa tamang track pa rin ang proyekto kung saan target itong matapos ngayong 2027.| ulat ni Armando Fenequito| RP1 Davao