Siniguro ni Senate Committee on Basic Education chairman Senador Sherwin Gatchalian na napaglaanan ng pondo sa ilalim ng 2024 national budget ang pagpapatupad ng mga programa para sa Alternative Learning System (ALS) at sa mga learning resources ng mga learners with disabilities.
Ayon kay Gatchalian, sa ilalim ng 20244 GAA (General Appropriations act) ay mayroong P632.48 million para sa Flexible Learning Options na siyang nagpapatupad ng mga programa ng ALS, mga ALS learning resources, at pagbibigay ng transportation at teaching aid allowances sa mga ALS teachers at sa mga community ALS implementers na katuwang ng Department of Education (DepEd).
May P56 million naman mula sa pondo ng DepEd para sa Basic Education Facilities ang inilaan para sa pagpapatayo ng ALS community learning centers (CLC).
Ipinaalala ng senador na mandato ng DepEd at mga local government units sa ilalim ng Alternative Learning System Act (Republic Act No.11510) ang pagkakaroon ng hindi bababa sa isang CLC sa bawat lungsod at munisipalidad para sa pagpapatupad ng ALS K to 12 Basic Education Curriculum at iba pang programa ng ALS.
Naglaan naman aniya ng P100 million para sa mga textbooks at iba pang instructional materials para sa mga learners with disabilities na bahagi ng pormal na sistema ng edukasyon at ng ALS.
Bahagi ng pondong ito ang pagsasagawa ng mga personal safety lessons para sa mga learners with disabilities, kabilang ang mga electronic at online learning materials.| ulat ni Nimfa Asuncion