Tiwala si Senador Christopher ‘Bong’ Go na magiging maganda ang relasyon ni bagong Finance Secretary Ralph Recto sa Lehislatura dahil dati na itong mambabatas.
Binigyang-diin ni Go na pagdating sa pagsusulong ng mga panukala para sa ekonomiya ng bansa ay kailangan ng magandang tandem ng Ehekutibo at Lehislatura.
Dito aniya papasok ang background at experience ni Recto bilang dating mambabatas at ekonomista.
Umaasa ang senador na sa pamumuno ng bagong kalihim ay magtutuloy-tuloy ang pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas.
Tiniyak rin ni Go ang kanyang magiging suporta kay Recto sa Commission on Appointments (CA).
Ang pakiusap lang ng mambabatas kay Secretary recto ay tiyaking walang maiiwan na Pilipino at huwag pababayaan ang mga mahihirap nating kababayan sa mga fiscal measures na isusulong nito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion