Nanindigan si Sen. Bong Go sa kaniyang posisyon laban sa itinutulak na People’s Initiative.
Kabilang ang senador sa lumagda sa manifesto na kumokontra sa People’s Inititiave na umano’y nagtatanggal sa puder ng Senado sa pag-amyenda sa Konstitusyon.
Sa panayam sa media sa pagbisita nito sa Lung Center of the Philippines, sinabi ni Sen. Bong Go na hindi dapat hinahayaang magtaguyod ang ganitong hakbang na para lang sa interes ng politiko.
Naniniwala rin aniya itong hindi naipaliwanag nang maayos sa publiko lalo na sa mga pinapapirma ang nakapaloob sa People’s Initiative.
Giit ng senador, dapat na maprotektahan ang senado bilang isang institusyon at boses ng mga Pilipino.
Kaugnay nito, handa naman si Sen. Go na makibahagi sa ikinakasang imbestigasyon ng Senado sa umano’y suhulan sa pagkalap ng pirma para sa Charter Change sa pamamagitan ng People’s Initiative.
Ayon kay Sen. Go, kung mapapatunayan nagkaroon ng suhulan, hindi na ito maituturing na ‘free will’ ng taumbayan at taliwas na sa People’s Initiative. | ulat ni Merry Ann Bastasa