Si Senadora Pia Cayetano na ang tatayong chairperson ng Senate Blue Ribbon Ccommittee.
Sa sesyon ngayong araw, ibinahagi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na natanggap na nila ang resignation letter ni Senador Francis Tolentino bilang chairman ng blue ribbon committee.
Kasunod nito ay inihalal ng majority si Senadora Pia Cayetano bilang kapalit ni Tolentino.
Dahil walang tumutol, agad naman itong naaprubahan ng mayorya ng Senado.
Nagpahayag naman ng suporta si Minority Leader Koko Pimentel kay Cayetano, na siyang magiging kauna-unahang babaeng pinuno ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ipinahayag naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ikinarararangal nilang kilalanin si Senadora Pia bilang unang babaeng blue ribbon committee chairperson.
Matatandaang unang pinahayag ni Tolentino na bibitawan na niya ang blue ribbon committee chairmanship bilang pagsunod aniya sa kasunduan nila ng liderato ng Senado na isa’t kalahating taon lang niya pamumunuan ang komite. | ulat ni Nimfa Asuncion