Pinawalang sala ng Anti-Graft Court si Senador Jinggoy Estrada mula sa kasong plunder na isinampa noong 2014 dahil sa umano’y maling paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ito ang naging hatol ng Sandiganbayan 5th Division sa inilabas nitong halos 400-pahinang desisyon ngayong araw.
Sa kabila nito, hinatulan naman si Estrada na “guilty” ng isang bilang ng direct bribery at two-counts ng indirect bribery.
May sentensyang walo hanggang siyam na taon ang direct bribery at dalawa hanggang tatlong taon naman ang indirect bribery.
Inabot ng 10 taon bago nakapaglabas ng desisyon ang Anti-Graft Court sa kasong plunder ni Estrada.
Sa maikling panayam sa media, ikinalugod ni Estrada ang pag-abswelto sa kanya sa plunder case dahil patunay aniya itong wala siyang binulsang pondo ng bayan.
Bagamat kokonsultahin pa aniya nito ang kanyang mga abogado sa buong desisyon ng Korte kaugnay naman ng “guilty verdict” sa bribery.
Kasamang nagtungo ni Estrada sa kanyang promulgation ang kanyang asawa na si Precy, at mga anak na sina Undersecretary Janela Estrada at Jolo Estrada. | ulat ni Merry Ann Bastasa