Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa Philippine National Police (PNP) na tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga deboto na lalahok sa prusisyon ng Itim na Nazareno sa bukas, January 9.
Binigyang diin ng senador na ito ang unang pagkakataon sa nakalipas na tatlong taon na isasagawa muli ang tradisyon.
Ayon kay Gatchalian, kailangang higpitan ng pulisya ang pagbabantay, paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang awtoridad, at mag-deploy ng mga kinakailangang resources para mapanatili ang kaayusan sa buong prusisyon.
Hinimok din ng senador ang publiko, lalo na ang mga deboto at mga manonood ng Traslacion, na sundin ang mga ilalatag na alituntunin ng mga awtoridad.
Dapat rin aniyang maging mapagbantay at iulat kaagad sa mga kinauukulan ang anumang kahina-hinalang galaw o aktibidad sa paligid.
Iginiit ng senador na sa pamamagitan ng shared responsibility at collaborative effort ay magagawa ng ligtas at makabuluhan ang Traslacion 2024. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion