Dapat may managot sa naranasang blackout sa Panay Island na nagpapahirap sa marami nating kababayan.
Ito ang iginiit ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Grace Poe kasabay ng pagsasabing hindi katanggap-tanggap na nangangapa sa dilim ang mga taga-Panay Island.
Aniya, dahil sa sitwasyon ay kawawa ang kalagayan ng mga kabahayan, mga estudyante, negosyo, at maging ang operasyon ng lokal na pamahalaan.
Umapela si Poe sa mga concerned agencies at private companies na humanap ng mga paraan para maibalik ang maayos na kuryente sa Panay Island sa lalong madaling panahon.
Giit ng senador na ang nangyaring blackout sa isla noong April 2023 ay dapat naging eye-opener na sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at power utilities.
Dapat sana aniya ay napaghandaan na nila ang anumang system disturbance at naiwasan ang sitwasyon sa pamamagitan ng episyenteng pagpaplano at paggamit ng resources. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion