Naniniwala si Senate Majority Leader Joel Villanueva na sa karapatan ni Senador Jinggoy Estrada na gawin ang lahat ng legal remedies na mayroon para sa naging hatol ng korte kaugnay ng pagkakasangkot nito sa pork barrel scam noong 2013.
Matatandaang sa nilabas na desisyon ng Sandiganbayan 5th Division, bagamat naabswelto si Estrada sa kasong plunder ay nahatulan naman itong guilty para sa mga kasong direct at indirect bribery.
Ipinahayag ng majority leader na nirerespeto nila ang desisyon ng Sandiganbayan.
Pero sinabi ni Villanueva, na dahil hindi pa final at executory ang desisyon ay maaari pa itong iapela ni Estrada, at maaari pa rin nitong gampanan ang kanyang tungkulin bilang halal na senador ng Pilipinas.
Tiwala aniya ang senador, na patuloy na magiging focused si Estrada sa pagganap ng kanyang trabaho at responsibilidad sa taumbayan. | ulat ni Nimfa Asuncion