Nanawagan si Senate Majority Leader Joel Villanueva na tigilan na ang panlilinlang at pananakot sa taumbayan ng ilang nagsusulong ng People’s Initiative para sa Charter change (chacha).
Ito ang pahayag ng senador sa gitna ng impormasyon na may mga nanunuhol kapalit ng pirma para sa petisyon ng suporta para sa chacha.
Ayon kay Villanueva, dapat nang itigil ng mga taong nasa likod nito ang pagmamanipula sa ating mga kababayan para lang sa kanilang pansariling interes.
Marunong aniyang mag-isip ang mga Pilipino at hindi nabibili ang kanilang opinyon.
Para sa majority leader, hindi chacha ang sagot sa mga problema ng lipunan gaya ng kagutuman, kawalan ng trabaho El Niño at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Pinahayag pa ng senador na sa kaniyang pananaw, ang dahilan kaya pinagpipilitan na buwagin ang senado ay para makontrol ang kapangyarihan sa ilalim ng unilateral o iisang kongreso at para sa pagpapalawig ng termino.
Binigyang diin ni Villanueva na hindi lang ito pagprotekta sa senado bilang isang institusyon, kundi pati rin sa karapatan ng bawat Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion