Nanindigan si Senate Majority leader Joel Villanueva na hindi susunod ang mga senador sa kagustuhan ninuman para lang maisulong ang Charter Change o People’s Initiative.
Ayon kay Villanueva, wala pa sa kasaysayan na kahit sinong makapangyarihan ang kinayang dikatahan o i-hostage ang Senado para lang sumunod sa kanilang kagustuhan.
Pinahayag rin ng Majority leader na labis siyang nainsulto sa naging sulat ni House Speaker Martin Romualdez kay Senate President Juan Miguel Zubiri kaugnay ng isyu ng Charter Change.
Sa sulat na natanggap ni Zubiri, nakasaad na suportado ng Kamara ang Resolution of Both Houses no. 6 na inihain sa Senado para sa pagbabago sa economic provisions ng Konstitusyon.
Pero nakasaad din sa sulat na suporta rin ng mababang kapulungan ang alternatibong People’s Initiative na posibleng pangunahan ng Senado.
Sagot dito ni Villanueva, ito ba ay pag-amin na ng liderato ng Kamara na sila nga ang nasa likod ng gumugulong na pagpapapirma para sa People’s Initiative.
Hindi lang din aniya ito isyu ng pagbuwag sa senado kundi sa pagtatanggal rin ng karapatan sa mga botanteng nirerepresenta ng bawat senador. | ulat ni Nimfa Asuncion