Hinikayat ni Senador JV Ejercito ang lahat na respetuhin ang desisyon ng Sandiganbayan tungkol sa kaso ng kaniyang kapatid na si Senador Jinggoy Estrada.
Ito ay matapos ilabas ng Sandiganbayan Fifth Division ang hatol nito kay Estrada na ‘not guilty’ para sa kasong plunder at ‘guilty’ para sa mga kasong direct and indirect bribery.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ejercito na bagama’t hindi perpekto ang justice system ng bansa ay naririto ito para panatilihin ang law and order, protektahan ang karapatan at magbigay ng hustisya.
Nakatitiyak rin aniya ang senador na gagawin ni Estrada at ng kaniyang legal team ang lahat ng legal remedies na available para sa kaniyang kaso.
Patuloy aniyang pinagdadasal ni Ejercito si Senador Jinggoy at ang kaniyang pamilya.
Una dito, sinabi na ni Estrada na naniniwala siya sa legal system ng bansa.
Nagpasalamat si Estrada sa pagkakaabswelto niya sa kasong plunder at itinuturing niyang vindication ito ng kaniyang pangalan.
Samantala, plano aniya nilang gawin ang lahat ng legal remedies sa mga kasong hinatulan siya ng guilty ng korte.
Kabilang sa mga balak gawin ng senador ang paghahain ng ‘motion for reconsideration’ sa Sandiganbayan. | ulat ni Nimfa Asuncion