Nagpahayag ng tiwala si Senador Lito Lapid kay Senate President Juan Miguel Zubiri at sa pamunuan ng Senado kaugnay ng isinusulong na economic charter change (chacha).
Ayon kay Lapid, kumpiyansa siyang pangungunahan ng liderato ng mataas na kapulungan ang isang makabuluhang pag-aaral ng Saligang Batas ng bansa kung saan ang interes ng bayan ang magiging pangunahing konsiderasyon at batayan.
Pinunto ni Lapid na malaki ang bahagi ng Senado sa anumang usapin tungkol sa Konstitusyon dahil inihalal sila ng buong bansa para makita ang perspektibo na iba pero katuwang ng pananaw ng Kamara.
Anuman aniyang inisyatiba na mag-aalis sa tinig ng Senado ay magbabalewala ng boses ng milyon-milyong Pilipino.
Binigyang diin ng Senador na ang pag-amyenda sa Saligang Batas ay hindi isang simpleng bagay.
Pinakamahalaga aniyang matukoy ang magiging proseso ng cha-cha at kung para kanino ito. | via Nimfa Asuncion