Bilang paggunita sa Zero Waste Month, hinikayat ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang publiko na iwasan ang patuloy na paggamit ng single-use plastics at mas maging maingat sa pagtatapon ng basura.
Ipinaliwanag ni Legarda, na kailangang itulak ang ating mga sarili na mamuhay nang mas sustainable dahil ang mga plastic ay gumagamit ng fossil fuels, na siyang nakaaambag naman sa mas maraming greenhouse gas emissions sa mundo.
Alinsunod sa Proclamation No. 760, ginugunita ng Pilipinas ang Zero Waste Month tuwing buwan ng Enero kung saan lahat ng local government units at mga sangay ng pamahalaan ay hinihikayat na sumuporta, at makilahok sa mga gawaing kaugnay ng Zero Waste Month.
Ipinunto ni Legarda, na ang mga single-use plastic ay nagdudulot rin ng mga pagbabara, na humahantong sa malawakang mga pagbaha.
Hindi rin aniya lahat ng plastic ay nare-recycle at napupunta lang ito sa mga landfill o karagatan na siyang naglalagay naman sa alanganin sa balanse ng ating ecosystem.
Kaugnay nito, pinunto ni Legarda na mayroon na tayong Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003) o ang batas na nagpapataw ng mga parusa sa pagkakalat sa mga pampublikong lugar, pag-aangkat ng consumer products na gumagamit ng non-environmentally friendly materials, at marami pang mga gawaing hindi nakabubuti sa kalikasan.
Isinulong din ngayon ng mambabatas ang Expanded National Integrated Protected Areas System (E-NIPAS), na nagbibigay ng mandato na protektahan ang mga lugar na tahanan ng mga kakaibang flora at fauna sa Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion