Tinatapos na ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang outline ng kanyang ihahaing petisyon sa Korte Suprema para kwestyunin ang legalidad o constitutionality ng 2024 national budget.
Ayon kay Pimentel, kung siya lang ang masusunod ay gusto niyang makapaghain na sana sila ng petisyon sa Korte Suprema ngayong buwan ng Enero at kung mas mapaaga ang paghahain ay mas mainam sana ito.
Pero, ito aniya ay depende pa sa kahandaan ng kanyang mga abogado na kasalukuyan pa niyang kinakausap at binabalangkas pa nila ang lalamanin ng petisyong ihahain.
Sinabi pa ng senador na kapag natapos niya ang outline ng petisyon ay saka niya ito ipapakita sa ibang senador at magbabakasakaling makakuha rin ng suporta sa ilan sa mga ito.
Sa ngayon aniya ay nakakuha siya ng isang kakamping mambabatas mula sa Kamara pero tumanggi ang senador na pangalanan o tukuyin kung sino ito.
Kabilang sa kukwestyunin ng senador ang constitutionality ng biglang paglobo ng unprogrammed funds sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act na mula sa P281-billion na original budget proposal ng Ehekutibo ay bigla itong lumobo sa P730-billion matapos na ilabas ang bicameral conference report. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion