Walang nakikitang masama si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa impormasyon na nandito na sa Pilipinas ang mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Pimentel, wala siyang inside information tungkol sa naturang usapin at dumepende lang rin siya sa sinabi ni dating presidential spokesperson Harry Roque.
Sinabi ng minority leader na kung totoo ngang naririto na sa bansa ang mga imbestigador ng ICC ay dapat makipag-coordinate sila sa pamahalaan.
Partikular na aniya sa Commission on Human Rights (CHR) para mabusisi ang datos tungkol sa mga naging biktima at reklamo tungkol sa human rights violation.
Sinabi rin ng senador na kung totoong nagsasagawa sila ng honest-to-goodness na imbestigasyon dito sa ating bansa ay imposible namang hindi sila mararamdaman.
Matatandaang layon ng ICC na maimbestigahan ang diumano’y mga human rights violations na naganap nang ipatupad ang war on drugs ng nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.| ulat ni Nimfa Asuncion