Sisimulan na ngayong araw ang pagdinig ng Senado tungkol sa nangyaring blackout sa Panay Island.
Nakatakda ngayong ala-una ng hapon ang pagdinig na gagawin ng Senate Committee on Energy ni Senador Raffy Tulfo tungkol sa naranasang power outage ng Panay Island.
Matatandaang ilang senador ang naghain ng resolusyon tungkol sa malawakang kawalan ng kuryente na naranasan ng Panay Island nitong January 2, na hindi lang anila nakaperwisyo sa mga kabahayan kundi maging sa mga negosyo doon.
Maliban sa naging blackout sa Panay Island, sisilipin rin ng Senate Committee on Energy ang patuloy na blackout sa Iloilo, operasyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), power outages dulot ng pagpalya sa transmission system, at plano ng Department of Energy na makapagbigay ng pangmatagalang solusyon sa suplay ng kuryente.
Maliban sa Senate Committee on Energy, una na ring nagpahayag si Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Grace Poe na handa siyang rebyuhin ang prangkisa ng NGCP dahil sa nangyari sa Panay Island. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion