Nakatakdang maghain ng resolusyon ang ilang mga senador para maimbestigahan at mapanagot ang mga nasa likod ng power outage sa Panay Island.
Kabilang na dito si Senate Committee on Energy Chairperson Senador Raffy Tulfo na sinabing nakakabahala ang kalbaryong dinadanas ng mga residente ng Panay na apektado ang pamumuhay dahil sa power outage.
Kaugnay nito, patuloy na nakikipag-ugnayan si Tulfo sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), Department of Energy (DOE), National Electrification Administration (NEA) at iba pang mga ahensya para ma-monitor ang sitwasyon sa probinsya at mabigyan ito ng agarang solusyon.
Balak rin maghain ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ng resolusyon para maimbestigahan ang naturang usapin bilang NGCP na naman aniya ang sangkot dito at malaking dagok ito sa ekonomiya ng Panay Island.
Maging si Senador Sherwin Gatchalian ay plano ring magsulong ng imbestigasyon para makabuo ng policy recommendations nang maiwasan na ang power disruption sa hinaharap.
Umapela rin si Gatchalian sa DOE, NGCP at Energy Regulatory Commission (ERC) na bilisan ang imbestigasyon sa isyu lalo’t ang Iloilo City at Panay Island ang economic drivers ng Visayas. | ulat ni Nimfa Asuncion