Welcome kay Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagkakatalaga kay dating Senador Ralph Recto bilang bagong kalihim ng Department of Finance (DOF).
Pinunto ni Zubiri na sa Senado noon ay itinuturing nila si Recto bilang kanilang resident numbers genius.
Hindi lang aniya ito dahil sa kanyang mathematical ability kundi mas lalo dahil sa kanyang abilidad na agad na makita ang mas malaking larawan ng implikasyon ng mga numerong ito.
Naniniwala rin ang Senate leader na nauunawaan ni Recto kung paanong itutulay ang mga numero sa realidad na kinakaharap ng ating bansa.
Dahil dito, kumpiyansa si Zubiri na magiging magaling na Finance secretary si Recto, na patuloy na magtutulak sa mas maunlad na ekonomiya ng Pilipinas.
Nagsilbi sa Senado si Recto ng tatlong termino kung saan hinawakan niya ang posisyon bilang Senate President Pro Tempore, Minority Leader, at naging Chairperson din ng Committee on Ways and Means. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion