Inihayag ng Department of Education (DepEd) na maaaring lumipat sa mga pampublikong paaralan ang mga mag-aaral sa Senior High School na apektado ng pagpapahinto ng SHS Program sa state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs).
Kasunod ito ng inilabas na memorandum ng Commission on Higher Education (CHED) na tapos na ang transition period para sa SHS Program sa mga SUC at LUC.
Ayon kay DepEd Spokesperson at Undersecretary Michael Poa, maaaring lumipat ang mga apektadong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan o sa mga pribadong paaralan na nag-aalok nito at i-avail ang voucher program sa susunod na school year.
Paliwanag pa ni Poa, patatapusin pa rin ang mga nasa Grade 12 pero hindi na tatanggap ang mga SUC at LUC ng mga Grade 11 student.
Nauna naman dito sinabi ng CHED, na ang SHS Program ay pinapayagan lamang na ialok ng mga SUC at LUC noong K-12 transition period simula School Year 2016-2017 at School Year 2020-2021.
Sinabi pa ng CHED na puno na rin sa ngayon ang mga SUC at LUC ng mga bagong mag-aaral kaya’t kailangan na nito ang mga pasilidad at mga guro.| ulat ni Diane Lear