Tiniyak ni National Security Adviser at National Security Council Chairman Secretary Eduardo Año na prioridad ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kapakanan at seguridad ng mga mamayan sa pagresolba ng situasyon sa West Philippine Sea.
Sa isang statement, sinabi ni Sec. Año na pakikinggan ng pamahalaan ang sentimyento ng mga mamamayan upang makabuo ng komprehensibong pambansang stratehiya sa West Phil. Sea na naayon sa interes ng mga mamamayan.
Ang pahayag ng kalihim ay kasunod ng lumabas na resulta ng Tugon ng Masa Fourth Quarter survey ng OCTA Research, kung saan 72 porsyento ng 1,200 respondent ang naniniwala na dapat igiit ng Administrasyong Marcos ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng aksyon g militar, partikular ang pagpapapalawak ng presensya at pag-patrolya sa lugar.
Sinabi ni Año batid ng pamahalaan ang magkakaibang opinyon ng mga mamayan sa isyu, matapos lumabas din sa naturang survey na 70 porsyento ng mga respondent naman ang naniniwala na dapat resolbahin ang isyu sa pamamagitan ng diplomasya at iba pang mapayapang paraan. | ulat ni Leo Sarne