Kinumpirma ni Antipolo Representative Romeo Acop Jr. na mayroon na ring signature campaign para sa isinusulong na people’s initiative sa kaniyang distrito sa Antipolo.
Tugon ito ni Acop nang matanong ng media sa isang ambush interview.
Tahasan naman nitong sinabi na kung mayroon mang pumipirma ay wala itong bayad.
Katunayan, hinimok pa niya ang media na pumunta sa kaniyang distrito at magtanong sa kaniyang mga kababayan.
“Meron nangyayaring signature campaign sa aking distrito. But I can assure you na kung merong pumipirma dun, walang bayad, you can go there in my district.” saad ni Acop
Nilinaw din ni Acop, na walang anumang direktiba ang liderato ng Kamara na magiging ‘regalo’ para kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang SONA ang itinutulak na charter change.
Patungkol naman sa hakbang ng Senado na imbsetigahan ang people’s initiative, iginagalang umano ni Acop kung ano man ang desisyon ng Mataas na Kapulungan ukol dito. | ulat ni Kathleen Forbes