Ayon kay DTI Bicol Regional Director Dindo G. Nabol, ang sikat pili products ng mga Bicolano, idineklara na bilang novelty food sa European Market ng European Commission.
Sabi ng opisyal ang mga produktong ito ay papayagan ng makapasok sa European Market. Diin niya, isa itong malaking oportunidad sa mga pili farmers at processors sa rehiyon. Sa mga probinsya sa Bicol ang may maraming produksyon ng pili ay ang Lalawigan ng Sorsogon, Albay, at Camarines Sur.
Tinuran ni Nabol, sa buwan ng Mayo ngayong taon, nagtakda ang departamento ng outbound Business Market Mission sa bansang Belgium ukol sa promosyon ng produktong pili sa Europa. Kasama ng team DTI Bicol, ang mga Pili processors at exporters na handa sa kanilang international standard. Ibig sabihin mayroon na ang mga itong Certificate of Product Registration mula sa Food and Drug Administration o FDA.
Aniya, naghahanda na ang tanggapan ng mga kailangang dokumento ukol sa requirements ng isang institusyon sa The Netherlands para matuloy ang nasabing misyon.
Sa ngayon sabi ni Nabol, maraming challenges ang kinakaharap ng Pili Industry sa Bicol, upang matugunan ang demand ng domestic at international market.
Diin niya, ang pinakamalaking pagsubok ay ang matugunan ang suplay na kailangan ng merkado hindi lamang sa global market, kundi sa bansa. Isa sa pagtutuunan ng pansin ng DTI Bicol ay ang koordinasyon sa Department of Agriculture upang lalong hikayatin ang mga magsasaka na magtanim ng magtanim ng Pili. Hinihikayat niya rin ang mag Pili farmers na maging processors ng sa gayon ang added value ay mapupunta sa kanila. | ulat ni Nancy Mediavillo | RP1 Albay
Photo: PTV