Iniakyat na sa Korte Suprema ng SMNI o Sonshine Media Network International ang usapin kaugnay ng suspensyon sa operasyon ng network na ipinataw ng National Telecommunication Commission.
Partikular na inihain ng pamunuan ng SMNI ang Petition for Certiorari and Prohibition at hiniling na magpalabas ng TRO o Temporary Restraining Order and Preliminary Injunction para maharang o pigilan ang pag-iral ng indefinite cease and desist order na ipinataw ng NTC.
Kabilang sa mga nagtungo sa Supreme Court si dating Presidential Spokesperson Harry Roque, mga anchor, pati na reporters.
January 22, 2024 nang ilabas ng NTC ang naturang kautusan at nakasaad na ito ay “effective immediately” na agad namang sinunod ng SMNI.
Ipinaliwanag naman ni dating Presidential Spokesman Harry Roque at kasalukuyang tv anchor sa Sonshine Media Network International na walang hurisdiksyon o karapatan ang National Telecommunication Commission na suspendihin ang prangkisa o broadcast operation.
Sabi ni Roque na tanging ang korte lamang ang may kapangyarihan na makagawa nito o kaya ay sa pamamagitan ng pagpasa ng batas na nagpapawalang bisa sa prangkisa ng isang media entity.
Samantala, nanindigan naman ang mga reporter na hindi magpapatakot sa liderato ng Kamara na itinuturing nasa likod ng suspensyon, sa halip ay patuloy itong maghahatid ng makatotohanang balita at tunay na kaganapan bilang mga malayang mamamahayag. | ulat ni Michael Rogas