Handang itaya ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kanyang posisyon bilang lider ng senado sa isinusulong nila na economic chacha.
Ayon kay Zubiri, handa siyang magbitiw sa pwesto sakaling may magsingit ng political provision sa isinusulong nila na pag amyenda sa ilang economic provision ng Konstitusyon.
Ang pahayag na ito ng senate leader ay para maibsan ang pangamba ng ilang mambabatas na posibleng magtangka na magsingit ng political provision kapag pinag-usapan na ang chacha.
Giit ni Zubiri, halos lahat ng senador na kanyang nakakausap ay sang-ayon na limitado lang dapat sa economic provision ang pag amyenda sa Saligang Batas.
Kaya wala aniyang dapat ikatakot ang publiko sa economic chacha na isusulong ng Senado sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na linggo.
Tiniyak nitong walang ibang motibo ang kanilang tatalakayin at target ipasa na economic chacha.
Una rito naghain si Zubiri kasama sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda at Senador Sonny Angara ng Resolution of Both Houses number 6, kung saan pinadadagdagan ng mga katagang ‘unless otherwise provided by law’ ang tatlong economic provisions. | ulat ni Nimfa Asuncion