Hindi na papatulan pa ni House Speaker Martin Romualdez ang mga hindi magandang salitang ibinabato sa kaniya at Kamara kaugnay sa isinusulong na Charter Change.
Tugon ito ng House leader nang hingan ng reaksyon hinggil sa manifesto ng Senado na tumututol sa People’s Initiative (PI) at sinasabing siya ang nasa likod ng pangangalap ng pirma.
Ayon kay Romualdez, nirerespeto niya ang mga pahayag o opinyon ng iba dahil karapatan nilang magsalita. Ngunit sa mga pagkakataon na hindi sila magkasundo ay hindi na aniya niya ito papatulan pa.
Mas handa aniya siyang makipagtulungan sa mga senador at tanggapin ang Resolution of Both Houses no. 6.
Punto pa ng House Speaker na ang economic reforms na ito ay hindi para sa mga kongresista, senador, o para kay Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. bagkus ay para sa mga Pilipino. | ulat ni Kathleen Jean Forbes