Nanawagan ngayon si Speaker Martin Romualdez sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Council on Disability Affairs (NCDA) na bantayan kung nakakatalima ba ang mga establisyimento sa pagbibigay ng VAT exemption sa persons with disability.
Bilang pangunahing may-akda ng Republic Act (RA) 10754 o Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability (PWDs), sinabi ni Romualdez na maaaring gamitin ng Kamara ang oversight function nito at atasan ang angkop na komite para imbesitagahan, in aid of legislation, ang mga ulat kaugnay sa hindi tamang pagbibigay ng diskwento sa mga PWD at maging senior citizens.
“We want to know from the government how the concerned people have been complying with this law. We should show malasakit (concern) over the plight of our PWDs. We just want to ensure that PWDs are enjoying the benefits they deserve under the law three years after its enactment. Let us work to beef up efforts in informing the public about the standards set by law for the rights and privileges of our PWDs.” sabi ni Speaker Romualdez.
Nilagdaan ang naturang batas noong March 2016 na naglilibre sa mga PWD mula sa pagbabayad ng 12% VAT sa mga bilihin at serbisyo.
Bukod pa ito sa nakukuhang 20% discount ng PWDs sa ilalim ng RA 9442, o inamyendahang Magna Carta for Disabled Persons.
Sakop nito ang pagbili ng gamot at espesyal na pagkain para sa medical purpose, laboratory fee at professional fee ng doktor, pasahe sa air, sea at land transportation at funeral at burial services.
Pinaiimbestigahan din ni Romualdez sa DSWD, NCDA, at Kamara ang posibleng pag-abuso ng ilang indibidwal sa paggamit ng naturang pribilehiyo ng mga PWD.
Paalala pa nito na tanging ang mga lehitimong PWD lamang ang dapat makinabang sa naturang pribilehiyo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes