Pinabulaanan ni Speaker Martin Romualdez na siya ang nagbigay ng atas sa mga kongresista na mangalap ng pirma para sa itinutulak na People’s Initiative.
Ito ang tugon ni Romualdez sa tanong ng media kaugnay sa pahayag ni Sen. Ronald Dela Rosa na may isang kongresista aniyang nagsabi sa kaniya na si Speaker Romualdez ang nagkumpas para sa naturang signature campaign.
Ayon sa House Speaker, wala siyang alam hinggil sa sinasabi ng senador.
Hindi na rin aniya sya magkokomento sa pahayag ng senador lalo’t hindi naman nito pinangalanan kung sino ang kongresista na kanyang nakausap.
“I don’t know what he’s talking about, he has not mentioned any congressman… so again I don’t respond to general statements.” Sabi ni Romualdez
Sa hiwalay naman na pahayag sinabi ni Majority Leader Manuel Jose Dalipe na nagpahayag na ng suporta si Speaker sa ginawang Resolution of Both Houses sa Senado sa pamumuno ni Senate President Miguel Zubiri kaya ito rin ang direksyon na tatahakin ng buong House leadership.
Pinasalamatan na rin naman aniya ng House leader ang hakbang na ito ng Senado.
Kaya umaasa ang House Majority leader na maaprubahan na ito ng Senado upang mahinto na rin ang mga walang basehang ispekulasyon.
“The Speaker has already thanked the Senate for finally taking action on our push to amend certain economic provisions of the Constitution. The House has been pushing this since 1987 and this has been an advocacy of the Speaker since he became a congressman and now as a Speaker…We hope that the Senate can approve this soon so that we can end all these baseless speculations.” ani Dalipe. | ulat ni Kathleen Jean Forbes