Kapwa inabswelto nina House Majority Leader for Communications at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo at dating House Committee on Constitutional Amendments Chair Alfredo Garbi Jr. si Speaker Martin Romualdez bilang pasimuno sa pagpapapirma ng People’s Initiative.
Sa panayam kay Tulfo, sinabi niya na bagamat ikinalugod ng Kamara ang pagkilos ng Senado para amyendahan ang Saligang Batas ay nagdulot na ito ng maraming isyu.
Kabilang na nga rito ang tila paninira at pagdiin kay Speaker Romualdez bilang pasimuno sa pagpapapirma ng People’s Initiative.
Ayon sa ACT-CIS party-list, bilang Majority Leader for Communications, walang instruction o atas ang liderato na itulak ang People’s Initiative.
Wala rin aniyang auomang utos na gawin ang People’s Initiative upang maibigay bilang regalo kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang nalalapit na State of the Nation Address (SONA).
Sa panig naman ni Garbin, sinabi niya na ‘out of frustration’ ang nag-udyok sa movants ng inisyatiba, kasama na ang League of Municpalities-Albay Chapter.
Aniya, sa nakalipas na mga Kongreso, makailang ulit nang itinulak ng Kamara ang pag-amyenda sa economic provisions ng Saligan Batas ngunit inupuan lang Senado.
Sa ngayon, ayon kay Garbin, nakakuha na sila ng kinakailangan na 3 percent ng kabuuang botante sa distrito sa Albay at Sorsogon at gayundin sa Catanduanes.
Ang mga pirmang ito ay dadaan naman sa beripikasyon ng COMELEC.| ulat ni Kathleen Forbes