Pinaplano ng Quezon City local government na palawakin pa ang programa nitong StartUp QC at buksan ito sa mga estudyante ngayong 2024.
Inisyatibo ito ng pamahalaang lungsod na nagbibigay ng financial grants at mentorship sa mga baguhang negosyante na may innovative startup ventures.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, magandang venue rin ang mga paaralan para mahanap ang mga estudyanteng may potensyal sa pagbuo ng isang makabuluhang negosyo.
“Our schools are a great source of future business leaders, innovators, and creative thinkers. Through this competition, we can develop the potential and skills of our students and help them create the next inspiring business success story,” ani Mayor Joy Belmonte.
Target ng LGU an ilunsad ang kompetisyon sa April 2024 katuwang ang Local Economic and Investments Promotion Office (LEIPO).
Bubuksan ito sa mga estudyanteng residente ng QC, at naka-enroll sa anumang kolehiyo o unibersidad sa bansa.
Ang mananalo rito ay maaaring makatanggap ng ₱100,000 grant. | ulat ni Merry Ann Bastasa