Naging produktibo ang unang State Visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ngayong 2024, kung saan, muling napagtibay ng Pilipinas ang ugnayan nito sa Vietnam.
Sa ulat ng Pangulo, sa pagtatapos ng kaniyang pagbisita sa Vietnam, sinabi nito na kahit 24-oras lamang ang itinagal ng Philippine delegation sa Hanoi, maraming kasunduan ang napagtibay ng dalawang bansa.
Kabilang na dito ang Balikatan para sa pagsusulong ng kapayapaan at stability sa South China Sea, kasunduan para sa pagtitiyak ng rice supply at food secuity, maging ang kasunduan, para sa people to people exchanges ng Vietnam at Pilipinas.
Sa pakikipagpulong ng Pangulo sa Vietnamese businessmen, binigyang-diin ng Pangulo na handang-handa na ang Pilipinas para sa kanilang pagpasok sa bansa.
Hinikayat ng Pangulo ang mga ito na ikonsidera ang Pilipinas bilang investment destination para sa expansion plans ng kanilang mga negosyo.
“I encourage the esteemed Vietnamese businesses to look to the Philippines as their partner for expansion,” ani President Marcos.
Sinabi ng Pangulo, maaaring magsilbing secondary location ang Pilipinas, bilang suporta sa manufacturing operations ng Vietnam, lalo na sa sektor ng enerhiya, imprastruktura, automotive, at iba pang serbisyo.
“The Philippines can serve as a secondary location in support of your manufacturing operations in Viet Nam, especially in key sectors such as energy, infrastructure, automotive, and services.”
Kung matatandaan, una na ring tinanggap ng Pangulo ang alok ng VinGroup Company, ang pinakamalaking private company sa Vietnam na mamuhunan sa Pilipinas, partikular sa industriya ng electric vehicle (EV) battery production. | ulat ni Racquel Bayan