Nagkasa ng survey ang Kamara upang malaman ang pulso ng mga empleyado at staff kaugnay sa planong paglipat ng tanggapan ng House of Representatives patungo sa Taguig.
Noong January ang deadline sa pagsagot sa naturang survey kung saan tinanong ang mga opisyal, empleyado, at congressional staff kung pabor ba sila sa planong relocation.
Matatandaan na sa pagtatapos ng 2023 ay pinagtibay ng Kamara ang resolusyon na bubuo sa isang ad hoc committee para pag-aralan ang panukala na ilipat ang gusali ng House of Representatives sa Taguig upang mas mapalapit sa Senado.
Ngunit sa panig ng Congressional staff ay may reservation sa naturang plano.
Isa sa mga tinukoy ng Congressional Staff Association ay mas maiging gamitin na lang ang pondo na ipampapatayo ng bagong HREP Complex sa Taguig sa mga mahahalagang isyu gaya ng edukasyon, suporta sa mga magsasaka, at pagpapalakas sa Philippine Coast Guard at unipormadong hanay para sa pagbabantay ng ating teritoryo.
Ngayong hapon inaasahan ipepresenta ng ad hoc committee ang resulta ng survey kasabay ng briefing kasama ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa transportation routes at road project patungo ng Taguig. | ulat ni Kathleen Jean Forbes