Naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Capiz, Marawi City Police Station at Binalbagan Municipal Police Station sa Brgy. Aguisan, Himamaylan, Negros Occidental ang isa pang suspek sa pananambang kay Lanao Del Sur Governor Mamintal Adiong.
Kinilala ni CIDG Director Police Major General Romeo Caramat ang suspek na si Ameno Amatonding, 52.
Inaresto ito sa bisa ng Warrant of Arrest sa 19 na kaso ng Attempted Murder, 4 na kaso ng Murder, at 3 kaso ng Frustrated Murder.
Matatandaang nangyari ang pang-aambush sa gobernador noong February 17 sa boundary ng Lanao Del Sur at Bukidnon na nagresulta ng pagkamatay ng tatlong Police escort at isang driver ng nasabing opisyal. | ulat ni Leo Sarne