Ipinagmalaki ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na lumawak na sa 15 rehiyon sa bansa ang flagship anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan na Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Program.
Aabot na rin sa higit 230,000 indibidwal sa buong bansa ang nakibahagi sa iba’t ibang aktibidad ng BIDA nitong 2023.
Ayon kay DILG Sec. Benhur Abalos, naging bagong mukha ng kampanya kontra iligal na droga ang BIDA Program.
Kaugnay nito, pinasalamatan ng kalihim ang mga kawani nito, LGUs, mga naka-partner na pribadong sektor at iba pang stakeholder sa pagpapalawak ng programa sa unang taon ng implementasyon nito
“Thanks to your efforts, we have conducted BIDA Fun Runs, training programs, Serbisyo Caravans, and other BIDA activities in 15 regions across the country involving various sectors,”
Matatandaang nitong nakalipas na taon ay naging masigasig ang DILG sa pakikipag-partner sa iba’t ibang sektor para maitaguyod ang BIDA Program at maipabatid ang masamang epekto ng iligal na droga.
Nagkaroon din ito ng kolaborasyon sa 30 malalaking business establishments sa inisyatibong “BIDA Workplace”.
Nakipagkasundo rin ang DILG sa ilang major sports leagues gaya ng Philippine Basketball Association, Premier Volleyball League, at University Athletic Association of the Philippines para mas mahikayat ang mga kabataan na tangkilikin ang sports kaysa masira ang buhay sa iligal na droga.
“We are definitely off to a good start. We were able to bring the spirit of BIDA down to our communities in just over a year since its launch,” Abalos. | ulat ni Merry Ann Bastasa