Itinaas pa ng Quezon City Local Government ang tax collection target nito para sa taong 2024.
Ayon kay QC Treasurer’s Office Legal Service Head Atty. Karlo Calingasan, aabot sa ₱39-billion ang inaasahang tax revenue ng pamahalaang lungsod ngayong taon.
Nito lamang 2023, umabot sa ₱35.5-billion ang nakolekta ng lungsod dahilan para mabigyan ang lokal na pamahalaan ng ₱1.9 billion surplus.
Ayon kay Engelbert Apostol, hepe ng Public Affairs and Information Services Division na ang mga nakokolektang buwis ay ginagamit sa social services para sa disadvantage sectors gaya ng senior citizens, informal settlers families, at iba pa.
Samantala, sinabi naman ni QC Business Permits and Licensing Department (BPLD) Head Margie Santos, malaki ang naitulong ng digitalisasyon para mas tumaas pa ang tax collection ng lungsod.
Hindi na kasi kailangan pang pumila sa pagbabayad ng buwis at pag-aasikaso ng business permit sa lungsod dahil fully automated na ang proseso nito sa QCe-services, at online payment na ang pinaiiral ng lokal na pamahalaan.
Ngayong business renewal season na, muli namang hinikayat ng LGU ang mga business owners na gamitin ang online portal ng LGU para sa pag-aasikaso ng kanilang business permit. | ulat ni Merry Ann Bastasa