Nanawagan si House Deputy Minority leader at ACT Teacher party-list Rep. France Castro na i-nationalize na ang buong power industry kaysa umasa sa pribadong sektor.
Ayon sa mambabatas, kita lang kasi ang habol ng pribadong energy sector.
Aniya, ang nangyaring pagpalya ng Panay Energy Development Corporation (PEDC) Unit 1 at 2 at ng Palm Concepcion Power Corporation (PCPC) Unit 1 ay dahil sa mga problema na dati nang kinakaharap ng mga planta ng kuryente.
Kaya naman kung in-upgrade o namentina nang maayos ay maaagapan ang ganitong problema.
Punto pa ni Castro na bilang system operator ay dapat na 24/7 ang ginawang pagbabantay o monitoring ng NGCP upang hindi umabot sa pagbagsak ng grid sa Panay.
Pagdating naman sa distribution side dapat aniya agad na nagpatupad ang mga ito ng automatic na load dropping o manual load dropping upang hindi umabot sa systemwide collapse.
Kung agad kasi aniya itong naipatupad ay maibabalik agad ang suplay ng kuryente sa loob lamang ng ilang oras at hindi halos apat na araw na nangyari sa Panay.
“Sa nangyayari sa ngayon halimbawa sa Panay dahil private ang energy sector, tubo at kita ang hinahabol ng National Grid Corporation of the Philipines (NGCP), mga generation companies at mga distribution utilities like MORE Electric and POWER Corp. ng mga Razon pero kapag may pumalpak tulad ng nangyaring blackout ay maghuhugas kamay ang lahat samantalang ang 3 components na ito ng electricity sector ay magkakaugnay at may mga paraan para iwasan o limitahan ang nangyaring blackout,” sabi ni Castro.
Paalala ni Castro na maalisan man ng prangkisa ang NGCP at mapalitan, kung mananatili itong pribado at kita ang hahabulin, ay hindi pa rin maisasaayos ang serbisyo nito.
“Alam natin na may mga naglalaway na oligarchs na malapit sa Malacañang na gustong makuha ang prangkisa ng NGCP kaya dapat nating bantayan ito dahil magpalit man ng may-ari yan basta tubo at kita lang ang habol ay bulok pa din ang serbisyong mangyayari. Mas mahusay pa talaga na inasyunalisa na ang buong power industry para serbisyo ang unahin, kung pumalpak man ay agad na mapapanagot.”, dagdag pa ni Castro.
Bukas ikakasa ng House Committee on Energy ang imbestigasyon sa nangyaring island-wide blackout sa Panay. | ulat ni Kathleen Jean Forbes