Handa ang Thailand na tumulong sa Pilipinas para mapaunlad pa ang mga sektor ng enerhiya, agrikultura at turismo.
Ito ang naging buod ng pagpupulong nila National Economic and Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan at Thai Ambassador to the Philippines Tull Traisorat sa isinagawa nitong courtesy visit kahapon.
Ayon sa NEDA, partikular na nais tutukan ng Thailand ang renewable energy upang makapagbigay ng oportunidad sa mga nagnanais mamuhunan sa pagbibigay ng murang kuryente.
Nagpaabot din ng pagbati ang Thai Ambassador kay Balisacan hinggil sa pagkakamit ng Pilipinas ng pinakamababang unemployment rate buhat noong 2005 gayundin ang pinakamataas na GDP growth sa buong rehiyon ng Timog-Silangang Asya.
Ikinagalak naman ito ni Balisacan, sabay pagbibigay diin kung paano makapag-aambag ang magandang relasyon ng Thailand at Pilipinas sa pagsasakatuparan ng Ambisyon Natin 2040 para bigyan ng matatag, kumportable at magandang buhay ang mga Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: NEDA