Pinagpapaliwanag na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang InDrive, isang bagong player sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Ayon sa LTFRB, dahil ito sa reklamo ng umano’y over-charging at pangongontrata sa mga pasahero.
Naglabas ng show caused order ang LTFRB, at hinihingan ng paliwanag ang RL Soft Corporations na may ari ng InDrive kung bakit hindi dapat masuspinde o bakit hindi dapat na bawiin ang ibinigay na accreditation nito bilang TNC.
Batay sa reklamo ng commuters sa Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), nakikipagtawaran umano ng pamasahe ang Indrive partner drivers sa bawat booking na matatanggap ng mga ito sa application mismo ng nabanggit na TNC.
Ito ay sa kabila na mayroon nang nakatakdang pamasahe na makikita sa application para sa isang partikular na booking.
Sa sumbong na natanggap ni LCSP President Atty. Ariel Inton, saka lamang daw tatanggapin ng driver ang booking kapag pumayag na ang pasahero sa pamasaheng gusto ng TNC driver. Tahasan umanong paglabag ito sa fare regulation ng LTFRB.
Itinakda na ang pagdinig sa reklamo sa darating na Enero 23 ng ala-una ng hapon. | ulat ni Rey Ferrer