Napuno ng makukulay na kasuotan at tradisyunal na mga pagkain mula sa bansang India ang ginanap na ika-75 taong selebrasyon ng pagkakatatag bilang Republika ng India na ginanap sa isang hotel sa Makati City.
Pinangunahan ang naturang selebrasyon ng Indian Embassy in Manila kung saan dumalo si House Speaker Martin Romualdez, mga kinatawan mula sa kongreso, mga diplomat, mga senior officials mula sa pamahalaan, business and media representatives, at Indian diaspora sa Pilipinas.
Laman ng talumpati ni His Excellency Shambhu Kumaran Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary of the Republic of India to the Republic of the Philippines ang matatag na relasyon ng Pilipinas at India at ang ugnayan nito sa iba’t ibang larangan.
Binanggit din ni Ambassador Kumaran sa hiwalay na panayam ang commitment ng India sa Pilipinas pagdating sa maritime security at mga usapin kaugnay ng kooperasyon ng mga hukbong dagat at armed forces sa pagitan ng dalawang bansa.
Ipinagdiriwang tuwing ika-26 ng Enero, ang Republic Day ay nagbibigay pugay sa araw noong taong 1950 nang maitatag ang Saligang Batas ng India, na nagsasaad sa transition ng bansa bilang isang republika. | ulat ni EJ Lazaro