Nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) na walang batayan ang mga lumalabas na pag-aaral na magreresulta sa paglobo ng pamasahe sa pampublikong sasakyan ang hakbang na bigyan ng ligtas at kumportableng biyahe ang mga Pilipino.
Ito ang tugon ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa pahayag ng IBON Foundation na posibleng lumobo pa sa ₱40 hanggang ₱50 ang minimum na pasahe sa jeepney kung patuloy na ipipilit ang PUV Modernization Program.
Sa isang pahayag, sinabi ni Bautista na tanging ang paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ang kanilang laging batayan kaya’t pinagbibigyan ang hirit na umento sa pasahe ng mga transport group.
Giit ni Bautista, lagi aniya itong dumaraan sa deliberasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at nangangailangan ng opinyon mula sa National Economic and Development Authority (NEDA) hinggil sa epekto nito.
Lagi rin aniyang hinihingi ng LTFRB sa kanilang talakayan ang saloobin ng mga komyuter sa tuwing magkakaroon ng hirit na umento sa pasahe.
Sinabi pa ni Bautista na mula nang umarangkada ang PUV Modernization Program noong 2017, nasa ₱2 hanggang ₱4 lamang ang itinaas ng pamasahe mula sa dating ₱9 patungong ₱13 sa mga traditional jeepney at ₱15 mula sa dating ₱11 sa mga modern jeepney.
Pagpapatunay lamang aniya ito na laging patas ang pagpapasya ng Pamahalaan hinggil sa pangangailangan ng mga tsuper at pasahero sa tuwing gumagalaw ang presyo ng mga produktong petrolyo. | ulat ni Jaymark Dagala