Target paimbestigahan ni Speaker Martin Romualdez ang mga impormasyong natanggap ng kanyang opisina na mayroon umanong korapsyon sa pagbalangkas at pagpaplano sa implementasyon ng Jeepney Modernization Program.
Partikular aniya dito ang sabwatan sa pagitan ng dati at kasalukuyang transport officials para sa negosasyon ng imported modern jeep.
Ayon kay Romualdez, kakausapin niya si House Committee on Transportation Chair at Antipolo City Representative Romeo Acop para magdaos ng motu propio investigation.
Kasabay nito ay nanawagan din si Speaker Romualdez sa Department of Transportation (DOTr) na repasuhin ang programa at palawigin ang panahon ng implementasyon nito.
Diin niya na bagamat isinusulong ang modernisasyon ng transportasyon ay hindi dapat kalimutang unahin ang kapakanan ng mga jeepney driver.
Paalala pa nito na ang jeep ay nagsisilbing simbolo ng kultura at diwa ng bansa.
“While we stride towards modernity and efficiency, we remain steadfast in safeguarding the welfare and livelihood of our jeepney drivers, who are an integral part of this journey. Together, we can achieve a transportation system that is reflective of the Philippines’ growth, respecting our traditions while paving the way for a more sustainable future,” saad ni Romualdez.
Itinutulak din ng House leader ang paglalatag ng mga tulong habang sila ay nasa transition period.
Pag-aaralan din umano ng Kamara ang mga opsyon upang mabigyan ng fixed income ang mga tsuper.
“Therefore, I strongly advocate for measures that protect the livelihoods of our jeepney drivers. This includes providing assistance in the transition to new vehicles, ensuring access to affordable financing options, and offering training programs to help them adapt to new technologies,” dagdag pa niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes